Archive for 2012

Ang Bayaning Lamok

Sunday, June 17th, 2012

Ang Bayaning Lamok
Makabagong Pabula ni Jess Guim

Isang malakas na lindol ang kagaganap pa lamang na siyang sumira sa riles ng tren, malapit sa lubluban ng mga kalabaw. Tapos na ang dapithapon. Kinain na ng dilim ang liwanag sa kanluran. Isang kalabaw and naunsiyami sa kanyang paglublub sa putikan, dahil sa lindol na ‘yon. Samantala, sa dakong maputik na likuran ng kalabaw, isang mapagmahal na inang lamok ang hindi mapakali sa kanyang anak na lalaking lamok. Walang anu-ano’y dumating na ang binatilyong lamok – galing sa bahay na ‘di kalayauan sa putikang lubluban. Galit at pagmumura ang inabot ng binatilyong lamok sa kanyang inay.

“Subra-sobra ang pag-alala ko sa’yo… lalo pa’t may naganap na lindol kanina lang. Saan ka naman galing, anak? ‘Di ba sinabi ko sa’yo na iwasan mo munang pumunta sa mga pamamahay ng mga tao?! Laganap ang sakit na Dingue ngayon, at tayong mga lamok ang sanhi ng pagkamatay ng maraming Pinoy sa sakit na ito. Mainit sa ating lahi ang mga tao ngayon.”

Sabat ng binatilyong lamok: “Ang Inay naman, hindi matapus-tapos ang pagbi-baby sa akin. Nagbininata na po ako, at kaya ko nang pangalagaan ang aking sarili. Galing lang po ako diyan sa malapit na bahay… nakikinig sa mga araling itinuturo ng taong-Nanay sa kanyang taong-Anak.”

“E, anu-ano naman ang natutuhan mo ngayon sa mga tao? Ang huli mong kuwento sa akin ay tungkol sa batang-lamok na pinapag-iwas ng inang-lamok sa ningas ng lampara. Subalit patuloy pa ring linapitan nitong batang-lamok ang ningas, hanggang siya’y masunog at mamatay.”

“Ang kuwento po’ng ‘yon ay sinulat na tinatawag nilang bayani na si Doktor Jose Rizal. Iyon ay simbolismo ng pag-aaklas ng mga Filipino noong panahon ng mga Kastila. Ang ningas ng lampara ay maihahalintulad sa kalayaang hinahanap, inaasam-asam ng mga Filipino sa mapag-aping mga Kastila. Ang batang-lamok ay maihahalintulad sa mga rebolusyunaryong agrisebo, subalit kulang ng kaisipan kung paano tatalunin ang mga Kastila. Kaya’t ayun… natalo sila’t nangamatay na walang kalaban-laban, na siyang ipinaghinagpis lalo ng kanilang inang-Bayan… Katulad ng inang-lamok na nawalan ng anak.”

Sabat ng inang-lamok, “Anak, ang buong katawan natin ay sinlaki lang halos ng isang letra ng mga kuwentong nilalaman ng mga aklat na binabasa ng mga tao. Kaya’t bilib ako sa’yo, dahil naututuhan mo ang kaalaman ng mga tao kahit maliit ang bau ng utak mo.”

“Inay, gusto ko ring maging bayani sa paningin nga mga kalahi nating mga lamok. Kaya’t palagi akong nakikinig sa mga araling itinuturo ng tatay at nanay sa anak diyan sa di-kalayuang dampa. Sana’y magamit ko ang mga ito sa ating mga kalahi.”

Walang anu-ano napansin ng nanay na lamok ang kanyang asawa – pagiwang-giwang ang lipad, hanggang lupaypay na bumagsak malapit sa kanila. “Sigurado ako, lasing sa alak at droga ang taong nakagat ng tatay mo. Ayan, bagsak din sa kalasingan.”

“HIK! Kahit lasing ako, matalas ang pag-iisip ko. Sa katunayan, nadinig ko ang kuwentuhan n’yo habang papalapit ako. Ang kuwento ng batang lamok na lumapit at nasunog ng ningas ng lampara, ay maihahalintulad ko sa kuwento ni ‘Icarus’ na anak ni Daedalus. Pareho silang bilanggo sa isla ng Crete, at tumakas sa pamamagitan ng paggamit ng artepisyal na pakpak. Bago pa man lumipad palayo sa isla ang mag-ama, pinayuhan na ng ama si Icarus na huwag lalapit sa araw dahil siya’y masusunog at babagsak sa tubig. Subalit hindi nakinig si Icarus. Kaya’t nasunog nga siya nang lumapit sa araw…”

Natigil sa kuwentuhan ang pamilyang-lamok nang makita ng mag-ina ang papalapit na PNR tren galing Maynila, at papuntang Bikol. Biglang nabahala ang ina, dahil nakita niya sa di kalayuan ng putikang lubluban na tinitirahan nila ay may isang bakal ng riles ang naputol dahil sa nakaraan pa lamang na lindol.

“NAKU! MADIDISKAREL ANG TREN, KAPAG DUMAAN ITO SA PUTOL NA RILES!” Sigaw ng inang lamok, na siya namang ikinabigla ng mag-amang lamok.

“Maraming pasahero ang mamamatay at masusugatan! Kawawa naman sila!” Sabat ng binatilyong lamok, sabay lipad palayo para sabatin ang tren.

Pinigilan ng mag-asawang lamok ang binatilyo. Pero, mapilit ang kanilang anak na iligtas sa kapahamakan ang mga pasahero ng tren. “Inay… Itay… salubungin natin ang tren, at bigyan ng babala ang motorman nito na patigilin ang tren!”

Galit na sumabat ang ama, “Pero, mga lamok lang tayo! Paano natin maipapaabot sa motorman ang babala?!”

“Bahala na kayo sa mga dapat gawin, at may gagawin din ako!” Sagot ng binatilyong lamok, habang lumilipad patungo sa headlight ng tren.

Pumasok sa maliit na giwang ng unahang bintana ng tren ang mag-asawa, at nakitang tulog pala ang motorman. Mabilis na pumasok sa loob ng tainga ng motorman ang amang lamok, at gumawa ito ng ingay sa loob. Kinagat naman ng inang lamok ang ilong ng motorman. Dahil sa pinagsamang aksiyon ng mag-asawa ay nagising nga ang motorman. Biglang nagulat ito nang makita niya ang isang anino ng tao sa harapan ng tren na parang sinsenyasan siyang patigilin ang sasakyan. Ito ang anino ng binatang lamok na puwersadong dumikit sa headlight mismo ng tren. Ang nakabuka niyang pakpak ay nag-anyong kamay ng tao na pumapara sa tren.

Walang alintanang pinatigil ng motorman ang tren, para hindi niya mabundol ang anyong-taong anino sa harapan ng sasakyan. Nang siya’y bumaba sa riles, para hanapin ang nagmamay-ari ng aninong-tao, ang natagpuan niya sa halip ay ang naputol na bakal ng riles. “Diyos ko! Kaya pala pinapatigil ako ng taong nakita ko sa liwanag ng headlight kanina… ay para bigyan ako ng babala, para hindi madiskarel itong tren. Saan na kaya siya, para mapasalamatan ko?”

Sa paghanap ng motorman sa paligid, saka naman bumagsak sa braso niya ang agaw-buhay na binatilyong lamok. Sa lakas ng puwersa ng tren na sinabat nito, para dumikit sa headlight at gumawa ng aninong-tao, ay nagkadurug-durog ang kanyang pakpak. Nakita siya ng motorman, at

PLAK!

“PATAY KA NGAYON! Ikaw siguro ang kumagat sa ilong ko kanina. Ayan, tabla na tayo.” Saka nakangising pinitik ng motorman ang maitim na laman ng lamok sa kanyang braso.

Kitang-kita ng mag-asawang lamok, na palipad-lipad sa dakong itaas ng ulo ng motorman, ang nangyari sa kanilang anak.

Nagbabaan na ang mga pasahero ng tren, para mag-usisa. Palayong umiiyak sa pagdalamhati ang mag-asawang lamok. Para sa kanila, maituturing na bayani ang kanilang anak. Ibinuwis nito ang sariling buhay, para iligtas sa aksidente at kamatayan ang mga pasahero ng tren.

Tags: , , ,
Posted in Short Story | No Comments »