Footprints on the Sand

May 29th, 2011


Footprints on the Sand
Likhang-isip ni Ian Ryne

Isang bar ang napuntahan ko sa gitna ng aking pag-iisa. Hindi pa man ako nakakapag-order ng aking iinuming beer, isang lalaki ang umupo sa harapan ko. Ibig kong magalit. Pero, pinigilan ko ito, sa pag-alalang gagawa lang ako ng gulo. Malinis ang pagmumukha niya, at mukhang maginoo. Sa tantiya ko, nasa edad 35 siya. Mas bata pa sa akin.

“Sana’y hindi mo ikagalit kung ako na ang mag-oorder ng beer mo,” pakiusap ng lalaki.


Top Destinations flight Deals 120x90

“Ha? Naku, puwede ho kayo’ng maupo diyan nang walang problema. Mag-order kayo ng inyong inumin… mag-oorder din ako ng sa akin,” sagot ko sa kanya.

“A, hindi, Anak… ako ang bahala sa inumin nating dalawa,” agaw-sabat ng lalaki.

“Anak?!” tanong ko sa aking sarili. Ba’t ‘Anak’ ang tawag niya sa akin? Samantalang mas bata siyang tingnan ke’sa akin. Sa mukha ko’ng ito, sigurado akong mas matanda sa kanya.


Best Selling Items at MacMall.com - Updated Daily

Isang teenager na waiter ang lumapit sa lalaki. Nag-mano ito sa kanya, at ilang sandali pa’y parang alam na niya ang order ng lalaki. “Masusunod po, Ama,” ang sabi ng waiter sa lalaki.

“Ama!… Ba’t ‘Ama’ ang tawag niya dito sa lalaki?… Ah, kaya pala malakas ang loob niyang makiupo dito sa aking mesa, dahil siya siguro ang may-ari nitong beer house… at ang teenager na waiter ay malamang na anak niya at tinuturuan kung paano ang pamamahala nitong negosyo.” Nawala ang takot at pangamba ko sa lalaki, at naisip kong promo itong ginagawa niyang pakikisama sa akin. Pagbalik ko dito, mababawi rin niya ang gastos ngayon sa pagiging malimit kong pagbalik-balik dito.

“H’wag ka’ng mag-alala, Anak. Hindi ‘yon ang pakay ko sa’yo,” sabat ng lalaki.


Nabigla ako! Nababasa niya ang aking iniisip. Kaya’t muli akong natakot sa kanya.

“H’wag, h’wag kang matakot, dahil ako ang Diyos,” sabi ng lalaki.

“Ano’ng kabaliwan ‘to?!” medyo galit na akong nagtanong sa lalaki.

“Ako ang totoong Diyos, at alam ko kung bakit naririto ka sa bar na ito… Ikaw ay maglalasing dahil sa dami ng problema mo na hindi mo ma-resolba. Pero, ang mga problema mo ay sadyang hindi naman sa’yo, kundi sa mga taong nangangailangan ng tulong mo.”

Galit ako sa Diyos. ‘Yon ang alam ko. Hindi niya ako pinagbibigyan sa mga hinahangad kong materyal na bagay, para matulungan ko ang mga taong nangangailangan ng tulong. “Kung ikaw ang Diyos, ba’t wala kang balbas?” Parang bata akong nag-tanong sa kanya.

“May balbas ako noong mga unang panahon, dahil hindi pa uso ang mga pang-ahit noon. Ngayong moderno na ang panahon, mas gusto ko na rin ang ganitong kasuutan – malinis ang mukha at pananamit,” Mapakumbabang sagot ng lalaki.


no one deals like we do!

Walang anu-ano, dumating na ang teenager na waiter, dala-dala ang dalawang boteng beer at dalawang kopeta ng alak. Ang lalaki pa ang nagbuhos ng beer sa aking kopeta, bago sa kanya. “Maraming madudunong na mandarambong pala ang mga nagpapanggap na nagtutulong sa kapwa. Pero, sa katunayan, sila ang yumayaman. Siguro’y napapanood mo sa TV ang bantog na entertainment show host, na namimigay ng premyo sa mga kapuspalad. Ang hindi alam ng mga tao, isang milyong peso ang bayad sa kanya sa bawat show niya. Maliban pa diyan, itong host ng show, ay business partner ng may-ari ng TV station. Kaya’t pati sa tubo ng negosyo sa entertainment show niya, ay may parti pa dito.”

Dagdag ng lalaki, “Ang akala ng mga Filipino, mabuti ang kalooban ng bagong Pangulo n’yo. Pero, ang hindi alam ng nakararami, ang mga tiyuhin at mga pinsan niya ay kasapakat niya sa lihim na pagpapayaman sa inner circle nila. Sila palagi ang kasama ng Pangulo sa mga entourage sa ibang bansa. Sa bawat perang tulong at mga kalakal na gustong buksan ng ibang bansa dito sa Pilipinas, ang mga pinsan at tiyuhin niya ang sumasalo kaagad, kumukuha na nitong mga kalakal para sa kanilang pansariling profit motive.”

Lumagok siya ng beer sa kanyang kopeta, at gumaya na rin ako, habang nakikinig sa kanyang mga paliwanag. “May mga grupong nagpapanggap na tagapagtanggol ng masa. Pero, sila naman ang naglilimas ng mga ariarian ng bayan. May mga taong nagtitindig ng sariling grupo, at nagtuturo ng tungkol sa Diyos. Pero, sila lang at pamilya nila ang yumayaman sa mga limos ng mga kapuspalad na napapaniwala nila.”

Siya’y isang outcast, ordinaryong aktibista, o taong hindi kasama ng nakararami, na may galit sa pamahalaan at sa ibang mga lider. Ito ang isip ko sa pagkatao ng lalaking kausap ko. Hindi siya Diyos, sabi ko sa aking sarili.

“Halika sa labas, Anak. Mas mahangin doon, at mas lalo mo’ng maiintindihan ang mga nagaganap sa’yo ngayon.”

Tumindig ako, bitbit ang kopeta at botelya ng beer. Nang tingan ko ang laman nito, nakapagtatakang puno pa rin ito. Binuhusan at pinuno ko ng beer ang kopetang hawak ko, saka sinilip ko uli ang botelya. Pero, sa halip na bawas na ito, punung-puno uli ito. Walang bawas!


Top Destinations flight Deals 120x90

Sa labas ng pinto ay nabungaran ko ang buhanging simputi ng mga ulap. Mas maputi ito sa mga buhangin ng Boracay Beach. Maging ang kaputian ng mga buhangin sa Rizal Beach ng bayan ko’ng kinalakhan ay hindi makakapantay sa mga buhanging tinatapakan ko at ng lalaking kasama ko. Sabagay, maputi naman talaga ang buhangin, habang hindi pa ito natatapakan ng mga tao, lalo na sa umaga.

Noong mga bata pa kami ng kaibigan kong si Noning, nasisilip pa namin ang mga puting buhangin sa ilalim ng malinaw na tubig ng dagat. Isinasakay niya ako noon sa kanyang traysikel, habang sinusundan naman siya ng isa pa naming kaibigan na si Johnie, lulan ng kanyang bisekleta. Ito ang ginagawa namin noon tuwing Sabado’t Linggo, tuwing pagsilang ng araw, at wala pang mga tao sa dalampasigan.

Naputol ang pagbabalik-panahon ko, nang magboses ang lalaki. “Ngayon, tingnan mo ang mga buhangin sa dakong likuran natin.” Lumingon ako, at napansin ko’ng hindi apat ang mga marka ng mga yapak na naiiwan sa buhangin, habang kami ay lumalakad. Tiningnan ko ang unahan namin. Puting-puti ito at wala pa’ng marka ng anumang yapak ng mga paa. Dalawa lang kami na lumalakad sa buhangin. Pero, bakit, maraming yapak ng paa ang nagmamarka, sa dinadaanan namin?


Great Savings on Cruises With Expedia!

“Hindi ‘yan ang mga marka ng yapak nating dalawa,” sabi ng lalaki.

“Kung hindi atin, kanino?,” tanong ko sa kanya.

“‘Yan ang mga yapak ng mga taong ‘pumapasan’ sa’yo ngayon sa daigdig. Sila ang mga taong tinulungan mo na, at nababahala sa mga nangyayari sa’yo ngayon. Taos-pusong pagmamalasakit ang kaya lang nilang ibigay sa’yo, dahil hindi nila kayang suklian ng materyal na mga bagay ang mga tulong na ipinamigay mo sa kanila.”

Patuloy na nagpaliwanag ang lalaki, “Pumasok ka sa beer house ng kaharian ko, dahil, ang akala mo ay nag-iisa ka lang sa’yong mga mithiing tumulong sa kapwa; at nagdadalamhati ka na hindi ka naman nababayaran ng katapat na tulong ng mga taong nabiyayaan mo na. Gusto mo’ng mapag-isa. Pero, ang hindi mo alam, gusto ring gumanti ng tulong ang mga taong natulungan mo na. Ngunit, dahil sila’y mga kapuspalad, hindi nila kayang tumbasan ng parehong mga materyal na bagay ang mga naitulong mo sa kanila.”


It's Finally Spring Sale! Save up to 44% on hotels

Walang anuano’y parang pelikulang naghuhugis na ang mga taong nagmamay-ari ng mga yapak sa buhangin. Nakita ko ang mga magulang ko, mga kapatid ko, mga kaibigan ko, at iba pang hindi ko na makilala, pero, naalala kong mga tinulungan ko. Marami sila, hindi ko mabilang.

“Juancho, sila’y tulung-tulong na nagdadasal at nagtitipong makalikom ng pera sa ngayon, para ikaw ay mabuhay sa ospital. Pero, dahil sa kabutihang-loob mo, humayo ka… pababalikin na kita sa’yong daigdig. Wala ka naman talaga ng sakit. Nawalan ka lang ng malay, pero, pumipintig ang puso… dahil inimbitahan ko ang kaluluwa mo na pumunta pansamantala sa kaharian ko… Ginawa ko ito, para patunayan sa’yo na may Diyos, at hindi lang ito kathang-isip. Ako ay totoo, at hindi isang imbensyong katulad ng kinahuhumalingan mo’ng mga computer.”

“Patawarin mo ako, Ama ko,” ang pakiusap ko sa kanya. Gusto kong lumuhod sa harapan niya, at halikan ang kanyang kamay. Pero, sinabi niya, “Sige na, Anak. Baka maubos ang oras mo dito sa langit. Ilang segundo na lang, sa takdang alas 4:59 ng umaga sa daigdig ay dapat kang mabuhay muli. Kundi’y idedeklara ka ng doktor na patay ka na sa’yong kama.


Best Selling Items at MacMall.com - Updated Daily

“KRRREENGGG!” Napabangon akong bigla sa aking higaan, upang patayin ang alarm clock sa ilalim ng lamp shade ng aking kama. Nakita kong alas 4:59 ang pulang LED na oras sa alarm clock. Nang maputol ang tunog ng alarm clock, nagising na rin ang aking asawa, para maghanda sa aming pagpasok sa trabaho.

“Ah! Napakasamang panaginip… Nasa ospital daw ako, nasa comatose condition. Hawak-hawak ng doktor ang parte ng pulso ko sa kaliwang kamay ko. Tiningnan niya ang kanyang orasan, at sinabi sa kanyang Nurse, ‘TIME OF DEATH, 4:59.’ Pakatapos noon, parang nakuryente naman dito ang pulso ko, kaya’t nagising ako. Sabay kumiriring ito’ng alarm clock natin na dati namang naka-set ng 4:59 mag-tunog ang alarma.”

Sumabat ang naalimpungatan ko’ng asawa. “Lagi ka namang ganyan. ‘Di ba napanaginipan mo na rin na kasama mo si Doktor Jose Rizal at iba pang mga bayani sa isang malaking pagpupulong?… Kulang na lang sa’yo ang mapanaginipan mo’ng nakasama mo ang Diyos sa langit…”


Top Destinations flight Deals 120x90

Napangiti ako sa mapang-insultong salita ng aking asawa. Gustuhin ko mang mag-kuwento na nakausap at nakasama ko na nga ang Diyos, ay hindi siya maniniwala. Yinakap ko na lang ang aking asawa, at inakbayan sa balikat habang lumalabas kami sa aming silid-tulugan. “Halika na nga, Mahal!… Maligo na tayo’t mag-almusal, nang hindi tayo abutan ng siksikan sa tren… Lunes na naman. Back to work… Kailan kaya matatapos ito’ng pagiging overseas Filipino worker natin dito sa Amerika?”

Pumasok kaming dalawa sa bathroom, para maligo. Ang asawa ko ang nauna sa shower. Samantalang ako naman ay nag-ahit muna ng aking balbas sa harap ng vanity mirror. “Mahal, alam mo ba’ng wala na’ng balbas ngayon ang Diyos?”


 

Tags: , , , ,
Posted in Short Story | No Comments »

Comments

Leave a Reply

 Comment Form